Nilinaw ng isang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) nitong Martes na ang pagtaas ng pamasahe sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ay hindi maiiwasan kahit pa hindi maisapribado ang naturang rail line, dahil na rin sa tumataas na singil sa kuryente at halaga ng mga spare parts nito.
Ang paglilinaw ay ginawa ni DOTr Undersecretary Cesar Chavez nitong Miyerkules matapos ang pangamba ng ilan na magkakaroon ng taas-pasahe ang MRT-3 dahil sa planong isapribado ang operasyon at maintenance ng naturang rail line, upang mapahusay pang lalo ang serbisyo nito.
“Even under the government, kahit sa ngayon, minsan ay hindi maiiwasan ang fare increase not because of private support o private intervention. Sapagkat tumataas ang halaga ng mga piyesa sa buong mundo, tumataas din ang kuryente,” paliwanag naman ni Chavez sa panayam sa radyo.
“It is not only necessary but inevitable that at a certain point in time, ay kinakailangang itaas ang pamasahe. Ang tanong na lang, magkano ang itataas at ano ang kapalit nito–magandang serbisyo,” dagdag pa niya.
Nabatid na ang planong isapribado ang MRT-3 ay isa sa mga panukalang pinag-aaralan ngayon ng pamahalaan bunsod na rin nang nakatakda nang pagtatapos ng build-lease-transfer contract ng Metro Rail Transit Corporation sa 2025.
Sinabi naman ni Chavez na ang talakayan sa naturang plano ay nasa DOTr level pa lamang at kalaunan ay ipagpapatuloy sa National Economic and Development Authority (NEDA).