Hindi na gumagana ang apat na doppler weather radar ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Sinabi ni PAGASA administrator Vicente Malano, ang apat na weather radars ay nasa Batanes, Catanduanes, South Cotabato at Iloilo.

“Yung Basco, hindi gumagana…'yung sa Virac talaga hindi talaga 'yan gumagana. 'Yung Tampakan hindi rin, tsaka 'yung Iloilo. 'Yung 4 na hindi — 'yung alam kong hindi talaga gumagana," sabi ni Malano sa panayam sa telebisyon nitong Huwebes.

Gayunman, nilinaw ng opisyal na 15 sa kanilang weather radars ay napakikinabangan pa ng ahensya.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Ang weather radar ay isa sa instrumentong ginagamit ng PAGASA upang mabantayan ang sukat at lawak ng babagsak na ulan. Ginagamit din ito upang matukoy ang mga lugar na maapektuhan ng pag-ulan.

Bukod sa radar, gumagamit din meteorological satellites at weather maps ang PAGASA.

Nilinaw naman ni Malano na ang doppler weather radar nito sa Basco (Batanes) ay nasira ng bagyo at hindi pa ito ipinaaayos hanggang sa madatnan ng bagyong Paeng.

“Matagal na yung nasira, kaya lang hindi pa natin nai-install uli, kasalukuyang ini-install dahil nga may mga, kasi ano 'yun eh, insured ng GSIS (Government Service Insurance System) 'yun,” aniya.

“May policy yung GSIS na saka lang sila magbigay ng proceeds pagka meron nang kontrata with kung sino 'yung mag-i-install. Eh ang problema naman kasi, saan naman kami kukuha ng pang-halimbawa 'pag magpapa-bid kami na wala namang pondo dahil nga sa GSIS na 'yan," lahad ni Malano.

Matatandaang hiniling na ng PAGASA na magtayo ang gobyerno ng siyam pang bagong weather stations sa bansa upang magamit sa flood forecasting at pagbibigay ng maagang babala sa publiko.

Inirekomenda ng PAGASA na itayo ang siyam na weather stations sa Cagayan Valley, Region 4A at Western Visayas.