Isang lalaki, na dati na umanong nakulong dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga, ang patay nang tambangan at pagbabarilin ng 'di kilalang salarin habang lulan ng kanyang motorsiklo sa Taytay, Rizal nitong Martes ng gabi.

Kaagad na binawian ng buhay ang biktimang nakilala lang na si John Paul Perante bunsod nang tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Samantala, mabilis namang nakatakas ang 'di kilalang salarin bitbit ang baril na ginamit sa krimen.

Batay sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, dakong alas-8:00 ng gabi nang maganap ang krimen sa Block 3, Mapamaraan St., Secondary Road, Purok 4, Lupang Arenda, Brgy. Sta. Ana, Taytay.

National

‘Pinas, muling magpoprotesta sa pag-atake ng China sa WPS

Lumilitaw sa imbestigasyon na lulan ang biktima ng kanyang kulay itim at pulang motorsiklo na may plakang 5522 UX, at binabaybay ang Secondary Road ng Lupang Arenda, nang bigla na lang siyang agapayanan ng salarin, at kaagad na pinagbabaril na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.

Nang matiyak na napuruhan ang target ay mabilis nang tumakas ang salarin patungo sa di natukoy na direksyon.

Base naman sa nilagdaang pahayag ng ama ng biktima na si Mang Richard, nabatid na ang biktima ay dati nang nakulong sa Taytay MPS dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022.

Nakarekober din umano ng mga pulis mula sa kaliwang kamay ng biktima ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana.

Tinutugis na ng mga otoridad ang salarin upang panagutin sa krimen.