Nasa kustodiya na ng gobyerno ang mga itinuro ng kapatid ng umano'y "middleman" na si Crisanto Villamor, Jr. (Jun Villamor) sa kasong pagpatay sa broadcaster na si Percival "Percy Lapid" Mabasa.
Si "Marissa" ay huling nakausap ng kapatid na si Villamor kung saan isiniwalat ang mga pangalan ng sinasabing may kinalaman sa pagpatay kay Mabasa.
Nagkausap umano ang dalawa sa pamamagitan ng cellular phone bago namatay si Villamor habang nakapiit sa National Bilibid Prison (NBP).
“Ang mahalaga ho sa sister nung Villamor, lahat ng naituro dun ay custody na po. We’ve secured all those possible persons,” paglilinaw naman ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla sa isang television interview.
Kabilang sa nasa kustodiya ng pamahalaan ang kaanak ni Villamor na si "Jose" at ang umano'y ikalawang "middleman" na na si Christopher Bacoto.
Nasa pangangalaga na rin ng gobyerno ang nabanggit na kapatid ni Villamor.
Hindi pa isinasapubliko ni Remulla ang pagkakakilanlan ng tatlo pang personalidad na sinasabing may kinalaman sa krimen.
Hanggang sa kasalukuyan, tinutugis pa rin ng pulisya ang magkapatid na kasabwat sa krimen na sina Israel at Edmond at isang alyas "Orly" na kasama ng self-confessed gunman na si Joel Escorial nang isagawa ang pagpatay kay Mabasa.
Pagdidiin ni Remulla, hindi pa kasama sa kanilang kustodiya ang mastermind sa kaso.
“Posibleng iba pa. We are looking at all angles. Baka madagdagan pa ng isa mamaya itong in custody. We’re working out everything for the possible angles. I have to be in conference with the NBI about it. I will also speak to the PNP, the investigators of the case. Kakausapin ko rin yung Las Piñas police who are investigating,” aniya.
Tumanggi naman si Remulla na banggitin kung binanggit ni Villamor sa kanyang text message sa kapatid na si "Marissa" ang pangalan ng mastermind sa krimen.
“We cannot speculate. I think it’s unfair to speculate. We will….basta aabutin natin kung san man matutumbok'yan, tutumbukin natin,” banggit pa ni Remulla.
Namatay si Villamor apat na oras matapos iharap sa publiko si Escorial nitong Oktubre 18.
Binanggit ni Escorial na si Villamor ang umano'y "middleman" o nag-utos sa kanyang grupo na paslang si Mabasa.
Si Mabasa ay napatay matapos pagbabarilin habang sakay ng kanyang kotse sa labas ng gate ng BF Resort Village sa Las Piñas noong Oktubre 3.