Hindi nakayanan ng tulay ang mabigat na karga ng dalawang truck na nagresulta ng pagguho nito sa Bayambang, Pangasinan nitong Huwebes.
Sa isang pahayag, sinabi ni Bayambang Mayor Nina Jose-Quiambao na natuklasan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na overloading ang pag-collapse ng bahagi ng Carlos P. Romulo bridge sa Barangay Wawa.
Dalawang truck na may kargang 40 hanggang 50 tonelada ang nakitang dumaan sa tulay bago maganap ang pagguho.
"Meron pong warning sign doon na 20 tons lang ang pwedeng makarga ng bridge pero if I'm not mistaken, dalawang truck po kasi 'yung nag-pass during that time. Mahigit 40-50 tons po 'yung nag-pass," sabi ng alkalde sa isang television interview nitong Biyernes ng umaga.
Napansin din ng alkalde at ng mga tauhan ng DPWH ang kalumaan ng tulay na posible umanong nakadagdag sa insidente.
Nauna nang naiulat na ginawa umano ang tulay noong 1970s at pinatatag na lang ito matapos ang dalawang dekada.
Idinagdag pa ng alkalde na nakikipag-ugnayan na sila sa DPWH at sa provincial government para makagawa muna ng temporary footbridge habang ginagawa pa ang nasirang tulay.