May pakiusap si Sen. Bong Go hinggil sa nangyayaring malawakang pagbaha sa Davao City na kilalang balwarte ng pamilya Duterte.
Sa panayam ng media sa Senador noong Sabado, Hulyo 25, 2025, nagbigay ng mensahe si Go para sa mga umano’y mariing na pumupuna sa baha sa Davao.
“Yung Pilipinas po, prone talaga tayo sa bagyo, sa malakas na pag-ulan, ang Pilipinas nasa Pacific Ring of Fire... Matagal po ako rito sa Davao, dumadami na rin po ang populasyon dito sa Davao,” ani Go.
Hirit pa niya, “Sana huwag na pong haluan ng pulitika yung pagbabaha dito sa Davao. Lahat ng biktima rito, Pilipino.”
Noong Biyernes, Hulyo 24 nang kumalat sa mga balita ang nangyaring pagbaha sa Davao City bunsod ng pag-iral ng sama ng panahon at Habagat.
Ayon sa pinakabagong tala ng Office of the Civil Defense (OCD), isa na ang kumpirmadong nasawi bunsod ng pagbaha habang dalawa naman ang napaulat ding namatay bunsod naman ng gumuhong lupa.
Umabot na rin sa 1,200 katao na ang napaulat na nawalan ng kanilang mga tirahan matapos na anurin ng baha at gumuho.
Sa kabila nito, sinabi ng OCD na wala pa itong natatanggap na ulat tungkol sa pinsala sa mga imprastraktura at sektor ng agrikultura na dulot ng Habagat at ng tropical cyclone.
Ayon pa sa ahensya, nananatiling maayos ang mga linya ng komunikasyon, dahilan upang tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng central office sa mga regional office, gayundin ng mga regional office sa kani-kanilang Local Disaster Risk Reduction and Management Offices (LDRRMOs).
Patuloy ding nakabantay ang OCD at iba pang ahensya ng pamahalaan sa lagay ng panahon at sa kalagayan ng mga apektadong komunidad upang matiyak ang agarang pagtugon sakaling magkaroon ng mga panibagong insidente.