Nangangamba pa rin ang mga residenteng naapektuhan ng Marawi siege dahil posible umanong singilin sila ng upa ng mga may-ari ng lupaing pinagtayuan ng pansamantala nilang pabahay.
Anila, matatapos na sa susunod na buwan ang limang taong kasunduan sa pagitan ng gobyerno at ng mga landowner para sa pansamantalang paggamit ng lupain sa Sagonsongan na tinayuan ng temporary housing project ng pamahalaan.
Dahil dito, kaagad na tiniyak ni Marawi City Mayor Majul Usman Gandamra na gumagawa na sila ng paraan upang mapalawig ang pananatili ng mga residente sa lugar at hindi pagbabayarin ng renta.
Ayon sa alkalde, nakikipag-usap na umano ito sa mga may-ari ng lupain.
“We had a dialogue with the land owners. Itong lupain na ito kung saan pinatayo itong temporary shelters are owned by private individuals. Dahil ito ho may kontrata tayo with them, the local government of Marawi, the National Housing Authority entered into a contract with the landowners na hiramin natin for the duration of 5 years. But since hindi po totally nakakabalik ating mga kababayan, hiningi po natin sa kanila na palawigin pa po ang binigay nilang termino para doon sa sa pag-stay ng ating mga IDPs doon sa mga lugar,” dagdag pa ni Gandamra.
Matatandaang sumiklab ang sagupaan nang kubkubin ng mga militanteng grupong may koneksyon sa ISIS terror group noong Mayo 23, 2017. Ang limang buwang giyera ay nagdulot ng matinding pinsala sa lungsod at ikinasawi rin ng mahigit 1,000 terorista, sundalo at sibilyan.