Magpapatupad ang Manila Electric Company (Meralco) ng mahigit pitong sentimo kada kilowatt hour (kWh) na bawas sa singil sa kuryente ngayong buwan ng Oktubre.
Sa inilabas na abiso ng Meralco nitong Lunes, nabatid na ang overall rate para sa isang typical household ay babawasan ng 7.37 sentimo/kWh o magiging ₱9.8628/kWh na lamang mula sa dating ₱9.9365/kWh noong Setyembre.
Anang Meralco, mas mura pa ang power rates ngayon para sa residential customers kumpara noong 2012 na nasa ₱10.661/kWh; 2014 na nasa P10.465/kWh at 2018 na nasa P9.976/kWh.
Sinabi ng electric company na ang pagbaba ng singil sa kuryente ay dulot ng pagbaba ng feed-in-tariff allowance na nabawasan ng 6.19 sentimo/kWh, matapos na aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang mas mababang koleksiyon simula ngayong Oktubre.
Bumaba rin anila ang generation charges para sa buwang ito ng 2.01 senitmo/kWh o naging ₱6.9192/kWh mula sa dating ₱6.939/kWh noong nakaraang buwan, dahil sa lower costs mula sa supply contracts ng kumpanya.
Maging ang charge mula sa independent power producers (IPPs) at power supply agreements (PSAs) ay nabawasan rin umano sa buwang ito.
Nabatid na ang naturang adjustments ay nangangahulugan ng ₱15 na pagbaba sa total electricity bill ng mga kostumer na nakakakonsumo ng 200 kWh kada buwan; ₱22 na bawas sa mga nakakagamit ng 300 kWh; ₱29 sa mga nakakakonsumo ng 400 kWh at ₱36 naman para sa mga nakakagamit ng 500 kWh kada buwan.