Tila “sinabon” ang isang ilog sa Antipolo City matapos umapaw ang pinaglabahang tubig ng isang residente sa Sitio Oreta, Upper San Isidro, noong Miyerkules, Hulyo 22.
Batay sa pahayag ni Mayor Jun Andeng-Ynares, ang residente na kinilala bilang si “Ronald” ay naglinis ng kaniyang gallon, na pinaglagyan ng sangkap sa paggawa ng dishwashing liquid, kabilang pa rito ang mismong pampabula, na naging dahilan umapaw ang mga bula sa kanilang lugar.
Bagama’t umabot din ang mga bula sa ilang kabahayan sa Sitio Oreta, binanggit naman ng mga ito sa pahayag ng alkalde na walang masamang amoy ang mga bulang umapaw.
Hinggil naman kay Ronald, tiniyak ni Ynares na pinatawan na nila ito ng Environmental Violation Ticket dahil sa paglabag sa City Ordinance No. 2008-287, partikular sa improper wastewater disposal.
Kasunod ng pangyayaring ito, ipinaaalala ni Ynares sa publiko ang kahalagahan ng tamang pagtatapon ng anumang uri ng basura o kemikal dahil sa direktang epekto nito sa kapaligiran at mga naninirahang komunidad dito.