Inaasahang lalakas bilang tropical storm ang tropical depression "Kiyapo" habang papalapit sa Babuyan Islands, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong hapon ng Huwebes, Hulyo 23, 2026.
Base sa tropical cyclone bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 640 kilometers East of Tuguegarao City, Cagayan.
Taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 45 kilometers per hour at pagbugsong 55 kilometers per hour.
Kumikilos ito pa-northwestward sa bilis ng 30 kilometers per hour.
Ayon sa weather bureau, inaasahang lalakas bilang tropical storm (bagyong may hanging 62 kph hanggang 88 kph) habang binabagtas ang Northern Luzon, partikular ang Babuyan Islands sa Biyernes ng hapon, Hulyo 24.
Samantala, nakataas na ang tropical cyclone wind signal no. 1 sa mga sumusunod na lugar:
Batanes
Cagayan kabilang ang Babuyan Islands
Isabela
Apayao
Abra
Kalinga
Mountain Province
Ifugao
Ilocos Norte
Ilocos Sur
Northern portion ng Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan)
Northern portion ng Nueva Vizcaya (Bagabag, Diadi, Bayombong, Ambaguio, Villaverde, Quezon, Solano)
Northern portion ng Quirino (Maddela, Cabarroguis, Saguday, Diffun, Aglipay)
Northern portion ng Benguet (Buguias, Mankayan, Bakun, Kibungan)
Dagdag pa ng PAGASA, maaaring itaas ang wind signal no. 2 sa mga lugar na daraanan ng bagyo. Gayunman, hindi inaalis ang posibilidad na itaas ang wind signal no. 3 kung lalakas pa ito at magiging severe tropical storm habang binabagtas ang Batanes-Babuyan Islands.
Inaasahan namang lalabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo sa Sabado ng umaga, Hulyo 25.