July 24, 2026

Home BALITA National

Atty. Taran ng KWF, panatag sa epekto ng AI data centers sa mga katutubong wika

Atty. Taran ng KWF, panatag sa epekto ng AI data centers sa mga katutubong wika
Photo courtesy: KWF (FB), AP

Inihayag sa publiko ni Punong Komisyoner ng KWF Atty. Marites Barrios-Taran na hindi raw dapat mag-alala ang publiko banta ng paglaganap ng mga Aritificial Intelligence (AI) data centers sa kalikasan sa bansa at magiging epekto nito sa pananatili ng katutubong wika. 

Partikular dito ang tinatawag na “Pax Silica,” na ayon sa United States (US) Department of Stete ay isang para sa artificial intelligence (AI) at supply chain security. 

Sa kasalukuyan, mahigit dalawampung bansa na ang lumalagda sa naturang proyekto, kasama na ang Pilipinas.

Bahagi ng kasunduan ang planong pagtatayo ng mahigit 1,600 ektaryang AI-native industrial acceleration hub sa New Clark City, Tarlac.

KAUGNAY NA BALITA: ‘Perwisyo o benepisyo?’ Mga dapat malaman tungkol sa Pax Silica

National

Ombudsman, naghain ng reklamo vs Romualdez, Co, atbp!

Batay kay Taran sa isinagawang press launch ng KWF para sa Buwan ng Wika 2026 sa The Metroplitan Theater, Maynila, nitong Huwebes, Hulyo 23, 2026, sinabi niyang itinuturing daw nilang tagapangalaga ng kultura at wika ang mga katutubo o mga indigenous people (IP). 

“‘Yon nga ang pinupuntahan ng Komisyon sa Wikang Filipino upang mapaunlad at masaliksik, upang maging parte ng corpus na siya namang gagamitin ng AI sa kanilang posibleng pagsasalin, mga repositoryo rin nila,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “Hindi kailanman magiging dahilan ng displacement ang AI sa ating mga katutubo.” 

Depensa ni Taran, may mga partikular na ahensya naman daw ng gobyerno ang dapat na sumagot tungkol sa usapin ng AI data centers sa bansa, ngunit naninindigan daw silang maging responsable ang publiko sa paggamit ng AI dahil talamak na rin daw ito. 

“Ngunit ang paninindigan ng Komisyon sa Wikang Filipino riyan ay sapagkat nariyan na po ang AI, nariyan na rin ang [AI] data center, ang aming hinikayat ay ang responsable, matino, angkop, tama na paggamit nito. Ngunit hindi dapat kinalilimutan ang paggalang, pagrespeto sa intellectual property rights ng mga katutubo,” paalala niya. 

Diin ni Taran, kasama raw ng publiko ang KWF sa pananaliksik at pagsusuri sa AI upang makabuo raw sila ng pamantayang sasagot sa pagiging responsableng paggamit nito para sa wikang pambansa at mga katutubong wika. 

Pagpapatuloy niya, huwag daw mag-alala ang publiko kung mawawala raw ba ang mga katutubong wika dahil sa AI sapagkat isa lang daw itong kasangkapan na magdadala sa marami sa isang modernong pamamaraan para palakasin ang katutubong wika. 

“Huwag po kayong mag-aalala, lalo na sa mga nagmamahal sa wika, kung tayo ba ay mawa-wipe out, mabura… ang AI ay isang kasangkapan na maaaring magdala sa atin sa moderno at makabagong pamamaraan upang mas mapalakas ang ating pag-aaral ng wikang Filipino at katutubong wika,” pagtatapos niya. 

KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: KWF, inilatag ‘responsableng’ paggamit ng AI para sa Filipino!

KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: 'Wala namang kaluluwa 'yong AI:' Artist Leandro Reyes, tagilid sa AI sa paglikha ng tula!