Inaasahang dadalo ang komedyante at television host na si Vhong Navarro sa isasagawang pagbasa ng sakdal ng hukuman sa Martes, Oktubre 11, kaugnay ng kasong rape na isinampa ng modelong si Deniece Cornejo.
Sisimulan ni Taguig City Regional Trial Court Branch 69 Judge Loralie Datahan, ang arraignment ni Navarro dakong 1:30 ng hapon.
Itatakda rin ng korte ang preliminary conference sa nasabi ring petsa.
Sa nakatakdang pagsipot ni Navarro sa hukuman, inaasahang makakaharap nito si Cornejo.
Matatandaang sumuko si Navarro sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Setyembre 19 matapos lumabas ang kanyang warrant of arrest sa kasong acts of lasciviousness kung saan ito nakapagpiyansa.
Kinahapunan, lumabas naman ang ikalawa niyang warrant sa kasong rape kaya hindi na ito nakalabas sa kustodiya ng NBI.
Walang inirekomendang piyansa ang hukuman para sa pansamantalang kalayaan ni Navarro sa naturang kaso.
Nitong Hulyo 21, 2022, naghain si Navarro ng motion for reconsideration sa Court of Appeals (CA) laban sa ruling ng hukuman na nag-uutos sa Taguig City Prosecutor’s Office na kasuhan na ito sa korte.
At matapos ang dalawang buwan, ibinasura ng CA ang mosyon nig komedyante.
Matatandaang inakusahan ni Cornejo si Navarro na gumahasa umano sa kanya sa loob ng kanyang condo unit sa Bonifacio Global City noong Enero 17, 2014.