June 07, 2026

Home BALITA Politics

Palasyo, nanindigang liderato lang ni Sen. Gatchalian ang kikilanin ng Ehekutibo!

Palasyo, nanindigang liderato lang ni Sen. Gatchalian ang kikilanin ng Ehekutibo!
Photo courtesy: MB File photo

Inihayag ng Malacañang nitong Linggo, Hunyo 7, 2026 na ang paksyong pinamumunuan ni Acting Senate President at Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian lamang ang kinikilala ng Ehekutibo sa gitna ng nagpapatuloy na sigalot sa Senado.

Sa panayam sa radyo, sinabi ni Presidential Communication Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na ang anumang pakikipag-ugnayan ng Senado sa Malacañang ay dapat dumaan sa liderato ni Gatchalian.

“Wala kikilalanin ang Palasyo, walang kikilalanin ang Ehekutibo kundi ang liderato lamang po ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian. So kung ano po pakikipag-ugnayan, kung hinihingi po sila ng special session, makipag-ugnayan lang po sila sa Pangulo dahil kinikilala po sila,” ani Castro.

Ayon pa kay Castro, kinikilala rin ang liderato ni Gatchalian ng House of Representatives at ng Integrated Bar of the Philippines.

“Huwag na niya pong ipilit kasi wala nang kumikilala sa kanyang liderato,” dagdag niya, na tumutukoy kay Senador Alan Peter Cayetano.

Politics

Sen. Erwin, nag-sorry sa 'aggressive remarks' niya laban sa kapwa mga senador

Ginawa ni Castro ang pahayag matapos mahalal si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at kalaunan ay maging Acting Senate President sa pamamagitan ng boto ng 12 senador noong Hunyo 3.

Naganap ito matapos hindi dumalo sa dalawang araw sanang sesyon ang paksyon na pinamumunuan ni Cayetano, na nagsabing nahaharap sa hamon ang kasarinlan ng Senado.

Sinabi rin ni Castro na kailangan ng bansa ang isang tunay na lider at lingkod-bayan na uunahin ang kapakanan ng publiko.

“Maraming nagsasabi na huwag namang kapit-tuko sa puwesto. Ngayon po, ang kailangan ng bayan ay ang totoong leader, totoong public servant. Hindi sisilbihan ang sarili, hindi sisilbihan ang interes ng mga kaalyado. So siguro ngayon ang tamang panahon na magpakabayanin siya,” ani Castro.

Samantala, pinabulaanan niya ang alegasyon na nakikialam si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga usapin ng Senado.

“Hindi totoo na nakikialam ang Pangulo sa Senado dahil naniniwala ang Pangulo at nire-respeto po yung separation of powers. Sabi nga po natin kung nagdidikta ang Pangulo, walang gulo sa Senado,” aniya.

Matatandaang iginiit ni Cayetano na nalalagay sa panganib ang kalayaan ng Senado at hinimok ang mga kasapi ng minorya na makiisa sa mayorya sa panawagang pansamantalang tumigil ang Senado sa mga gawain nito kasunod ng pag-aresto kay Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng kasong plunder.

Patuloy ang hidwaan sa Senado habang hinihintay ang muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso sa mga susunod na linggo.