June 07, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Iba’t ibang pamahiin tungkol sa kasal

ALAMIN: Iba’t ibang pamahiin tungkol sa kasal
Photo Courtesy: Pexels

Kinikilala sa buong mundo ang Hunyo bilang pagdiriwang sa tradisyonal na kasal. Nakaugat umano ito sa sinaunang mitolohiyang Romano dahil ang diyos ng kasal at panganganak na si Juno ay ipinangalan sa naturang buwan.

Sa Pilipinas, bilang isang Kristiyanong bansa, lubhang pinahahalagahan ang sakramento ng kasal. Nangangahulugan umano ito ng pagkakaisa ni Kristo at ng simbahan. 

Ayon sa Mateo 10:6-9: “[S]imula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, nilalang niya ang tao na lalaki at babae. Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, magsasama sila ng kanyang asawa at ang dalawa'y magiging isa. Hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.”

Kaya naman hindi nakapagtataka na hanggang ngayon ay mahigpit pa ring tinututulan ng maraming Pilipino ang pagsasabatas ng diborsyo. Sa katunayan, sa Pilipinas at Vatican na lamang ito ilegal.

Karugtong ng pagpapahalagang ito ng mga Pilipino sa kasal ang mga pamahiing nakaugnay rito. Ano-ano nga ba ang ilan sa mga ito?

Human-Interest

#BalitaExclusives: Biringan posibleng totoo dahil sa isang dokumento; ipinaliwanag ng history prof!

`1. Sukob sa kasal

Pinaniniwalaang hindi umano makakabuti na makasal sa parehong taon ang mga miyembro ng isang pamilya. Nag-aanyaya umano ito ng kamalasan dahil posibleng mahati ang swerte sa dalawang pamilyang ikinakasal. 

Ang pamahiing ito ay pinagbatayan pa ng horror-drama film na “Sukob” ni Chito S. Roño noong 2006. Ngunit ayon kay paranormal researcher Ed Caluag, wala umanong koneksyon sa sukob ang nangyayaring kamalasan sa magkapamilyang ikinasal sa parehong taon.

“Pero as far as I'm concerned, magkakaroon lang ito ng part do'n sa tinatawag nating law of attraction. Negative kasi ang naging paniniwala ng tao [sa sukob],” dugtong pa niya.

2. Bawal suutin ang wedding gown bago ang kasal

Hindi pinamamayagan ang bride na suutin ang wedding gown bago humarap sa altar. Pinaniniwalaan kasing hindi matutuloy ang hinahangad na kasal kapag ginawa ito. 

Kaya noong Hunyo 2025, sinita ng netizens si Kapuso actress-TV host na si Shaira Diaz matapos niyang sukatin ang kaniyang wedding gown.

Maki-Balita: Pamahiin? Shaira Diaz nag-react, sinita sa pagsusukat ng wedding dress

Sa kabila nito, natuloy pa rin naman ang pag-iisang-dibdib ng dalawa noong Agosto 2025. At noong Mayo 2026, sa isang episode ng “Unang Hirit,” tila handa na ang dalawa para magkaanak.

Maki-Balita: Tapos na ang paghihintay: EA Guzman, Shaira Diaz ikinasal na!

Maki-Balita: EA Guzman, gusto nang anakan si Shaira Diaz

3. Bawal magkita ang groom  at bride bago ang kasal

Nakagawian ng marami na sundin ang pamahiing huwag magkita ang groom at bride bago ang kanilang kasal. Dapat ay sa mismong altar na sila maghaharap. Kaya naman hindi bumababa ng kotse ang bride hangga’t hindi nagsisimula ang seremonya.

Nalikha umano ang ganitong kaugalian dahil sa arrange marriages noong araw. Posible raw kasing umatras sa pakikipag-isang dibdib ang bride o groom kapag nagkita sila bago ang araw ng kasal dahil wala naman talagang namamagitang pag-ibig sa kanila.

4. Ang makakasalo ng inihagis na bouquet ng bride ang susunod na ikakasal

Matapos ang seremonya ng kasal, nakaugalian na ang paghahagis ng bride ng bouquet sa grupo ng mga single na babae. Paraan ito ng bride para ipagdiwang at hilingin ang maswerteng pag-ibig para sa kaniyang mga amiga.

Sinomang makasalo ng bungkos ng mga bulaklak ay pinaniniwalaang susunod na lalakad sa pasilyo ng simbahan habang hihininntay ng lalaking papakasalan nito. 

Ayon sa mga tala, nag-ugat umano ang ganitong tradisyon sa England noon pang 1800.

5. Bawal magsuot ng alahas na gawa sa perlas

Ipinagbabawal sa bride ang pagsusuot ng alahas na gawa sa perlas sa mismong araw ng kaniyang kasal.  Sinisimbolo raw kasi ng perlas ang luha ng babae at posibleng hindi maging masaya ang buhay may-asawa nito dahil dito. 

Ngunit sa kabilang banda, may ilang nagsasabi na hindi naman laging lungkot ang ugat ng pagluha. Maaari din umanong ituring bilang indikasyon ng saya o labis na tuwa ang pag-iyak ng bride. Kaya mas makakabuti umano kung huwag iaasa lang sa perlas ang magiging kapalaran ng kasal.