Umapela na ang mamamahayag na si Roy Mabasa kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na pangunahan ang imbestigasyon sa kaso ng kapatid na si Percival Lapid (Percival Mabasa) na pinatay ng riding in-tandem sa Las Piñas City nitong Lunes ng gabi.

Maaari aniyang matigil na ang insidente ng pamamaslang sa mga mamamahayag sakaling pangunahan ng Pangulo ang pagsisiyasat sa kaso.

"Nais kong manawagan sa Pangulo na sana ay pangunahan itong imbestigasyon. Dahil bakit ba natin gusto na ang Pangulo ang nasa unahan nito? Para matigil na once and for all ang killings sa mga journalist," hirit ni Roy nang kapanayamin sa telebisyon nitong Biyernes ng umaga.

Aniya, aabot na sa 200 mamamahayag ang napapaslang mula 1986 at wala pang napaparusahan kahit isa sa mga naturang kaso.

Padilla, binara si Castro kontra VP Sara: 'Ipagpaliban muna maduming pulitika!'

"Kaya ang pakiusap natin dapat Pangulo ang mamumuno dito kung ang intensyon ng Pangulo ay talagang supilin itong krimen na ganito laban sa mga mamamahayag," anito.

Pinasalamatan ng kapatid ni Percy ang mga ahensyang nagsasagawa ng imbestigasyon sa kaso.

Nauna nang inihayag ng Malacañang na nababahala umano si Marcos kaugnay ng pagpatay kay Lapid.

Ayon sa Malacañang, nangako si Marcos na susuportahan at poprotektahan ang karapatan ng mga mamamahayag at idinahilan ang kahalagahan ng mga ito sa kaunlaran ng bansa.

Matatandaang napatay si Lapid nang tambangan ng dalawan naka-motorsiklo sa tapat ng gate ng BF Resort Village sa nasabing lungsod nitong nakaraang Lunes ng gabi.