July 23, 2026

Home BALITA

2 lalaki, kakasuhan ospital matapos madiskubreng napagpalit sila ng mga magulang!

2 lalaki, kakasuhan ospital matapos madiskubreng napagpalit sila ng mga magulang!
Photo courtesy: Unsplash

Isang DNA test ang nagsiwalat sa katotohanan ng pinagmulang pamilya ng  dalawang lalaking napagpalit ng isang ospital matapos silang maipanganak noong 1988.

Nadiskubre ang pagkakamali nang sumailalim sa at-home DNA test ang isa sa kanila bilang bahagi lamang ng isang Christmas gift exchange. 

Ang resulta nito ay nagtugma sa kaniyang tiyahin at kalauna'y nagbunsod sa pagsusuri rin ng DNA ng isa pang lalaki, kung saan nakumpirmang sila ang tunay na anak ng pamilya ng isa't isa.

Batay sa isinampang kaso sa korte sa North Dokota sa United States, ang dalawa lamang ang isinilang sa naturang ospital noong Enero 26, 1988, at pinaniniwalaang doon naganap ang hindi sinasadyang pagpapalit sa kanila bago maiuwi ng kani-kanilang mga magulang.

Inihayag ng Unity Medical Center na wala silang nakitang ebidensiyang magpapatunay na ang kanilang mga empleyado ang responsable sa insidente.

2 PH Navy na pinukpok sa ulo ng CCG, makatatanggap ng tig-₱100k!

Gayunman, kinilala ng ospital na tunay na nagkaroon ng pagpapalit ng mga sanggol at sinabi nitong patuloy nilang sinusubukang alamin ang naging sanhi nito.

Ipinaliwanag din ng ospital na wala na ang mahahalagang medical at staffing records mula sa panahong iyon dahil sa paglipas ng halos apat na dekada, at wala na ring nagtatrabaho roon ang mga miyembro ng delivery team noong 1988.

Samantala, naghain na ng demanda ang dalawang pamilya laban sa ospital dahil sa umano'y kapabayaan at medical malpractice. 

Iginiit nilang nawalan sila ng pagkakataong makasama at mapalaki ang kanilang tunay na anak sa loob ng 38 taon.

Sa kabila ng natuklasan, sinabi ng dalawang lalaki na nananatiling mahalaga sa kanila ang pamilyang kinalakihan nila at patuloy silang nag-aadjust sa bagong katotohanang dulot ng DNA test habang unti-unti nilang nakikilala ang kanilang biological families.