Bumaba ang public trust rating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bago ang kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA), ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Batay sa commissioned survey na isinagawa noong Hunyo 2026, nakakuha si Marcos ng 34% trust rating, mas mababa ng 1% kumpara sa 35% na naitala noong Marso 2026.
Ipinakita rin ng survey na 45% ng mga Pilipino ang may “little trust” sa Pangulo, habang 19% naman ang hindi pa makapagpasya.
Mas mababa rin ito kumpara sa 64% trust rating ni Marcos noong Hulyo 2024. Bagama’t umakyat pa sa 48% noong Hunyo 2025, muli itong bumaba sa mga sumunod na survey hanggang umabot sa 34% ngayong Hunyo 2026.
Samantala, nanatiling mataas ang antas ng tiwala ng publiko kay Vice President Sara Duterte. Ayon sa survey, 57% ng mga Pilipino ang nagpahayag ng malaking tiwala sa bise presidente, na kasalukuyang nahaharap sa impeachment charges.
Hindi nagbago ang nasabing bilang mula sa survey noong Marso 2026. Samantala, 27% ng mga respondent ang nagsabing may “little trust” sila kay Duterte, habang 15% ang hindi pa makapagpasya.
KAUGNAY NA BALITA: Tumaas ng +2! 58% ng mga Pilipino, kuntento pa rin kay VP Sara—SWS
Sinabi ni Stratbase Institute President Victor Andres “Dindo” Manhit na dapat magsilbing “wake-up call” sa administrasyong Marcos ang resulta ng survey.
“As President Marcos prepares to deliver his fifth SONA, Filipinos will be looking not for rhetoric but for a clear plan to address the issues that affect their daily lives,” ani Manhit sa media.
Ayon kay Manhit, pagkakataon ng nalalapit na SONA ng pangulo na tugunan ang lumalaking alalahanin ng publiko at ilahad ang mga prayoridad ng pamahalaan para sa nalalabing bahagi ng termino nito.
Isinagawa ang SWS survey sa 1,200 respondent sa buong bansa. Mayroon itong margin of error na ±3% para sa national results at ±6% para sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas at Mindanao, sa antas ng 95% confidence level.
Harapang isinagawa ang panayam gamit ang structured questionnaire na may kasamang visual aids.
Nakatakdang ihatid ni Pangulong Marcos ang kaniyang ikalimang SONA sa Hulyo 27.