Inamin ng Philippine National Police (PNP) na hindi pa nila natutukoy ang riding in-tandem na pumaslang kay broadcaster, columnist Percy Lapid sa Las Piñas nitong Lunes ng gabi.

Ipinaliwanag ni Southern Police District (SPD)-Deputy District Director for Operations,Col. Restituto Arcangel, iniimbestigahan pa rin nila ang mga closed-circuit television (CCTV) cameras sa pag-asang makakuha ng impormasyon sa ikatutukoy ng mga salarin.

“Meron tayong tinututukan na dalawang suspects na nakasakay sa isang motor na maaaring bumaril sa suspek sa mga pagkakataon na yon,” pahayag ni Arcangel sa isang television interview nitong Oktubre 5.

“Marami pa tayong sinusundan na CCTV, fina-follow-up na CCTV. May mga request na tayo doon sa dinaanan ng biktima mula doon sa bahay niya hanggang doon sa pinangyarihan ng insidente at patuloy na ginagawan natin ng request and as the request is approved, ire-review namin 'yung pangyayari,” banggit ng opisyal.

National

3 weather systems, patuloy na umiiral sa bansa – PAGASA

Aniya, may teorya sila na plinano ang pamamaslang kay Lapid.

“Malamang po inabangan po ito at plinano dahil alam po ng mga suspects, lumalabas na alam nila 'yung ruta ng biktima,” sabi nito.

Kaugnay nito, dismayado naman ang mamamahayag na si Joel Sy-Egcol, dating Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Executive Director, sa pagpatay sa dating kasamahan.

"I am enraged, I am so angry about it, something that is very personal to me--you know besides knowing Percy personally and having to work with him in the past, this is for the longest time, the first in so many years, that an incident like this happened in National Capital Region,” aniya.

Binabantayan na ng mga pulis ang pamilya ni Lapid dahil sa posibilidad na umatake muli ang mga suspek.

Matatandaang pauwi na si Lapid at nasa labas na ng BF Resort Village sakay ng kanyang kotse nang pagbabarilin ng dalawang lalaking nakasakay sa isang motorsiklo nitong Oktubre 3 ng gabi.