Inihayag ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na masaya siya sa naging malaking pagkapanalo nina Sen. Francis “Kiko” Pangilinan at Sen. Bam Aquino sa naganap na midterm elections noong 2025.
Bago nito, nauna nang balikan ni Pangilinan sa kaniyang social media post nitong Sabado, Hulyo 25, 2026, ang mababang rating na nakuha niya sa Senate election survey na inilabas ng Pulse Asia Research, Inc., noong Abril 2025.
Aniya, mahalagang hindi siya bumitaw at mano-mano pang nakipagbakbakan hanggang sa dulo bago mangyari ang naturang eleksyon, dahilan para manalo pa raw sila ni Aquino, ng Akbayan Partylist at Mamamayang Liberal (ML) Partylist.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Malayo pa 2028. Walang bibitiw!’ Sen. Kiko, inalala pagkaligwak sa 2025 senatorial survey
Sa naging komento naman ni Lacson sa post ni Pangilinan, partikular sa “X,” nito ring Sabado, sinabi niyang masaya siya para sa huli at kay Aquino sa naging malaking pagkanalo ng mga ito kahit na magkakaiba raw sila ng alyansa sa politika.
“Yes, Sen Kiko. We may have run under different alliances, but I am happy that you and Sen Bam not only made it but won strong and big,” ani Lacson.
Diin niya, isang “snapshot” ng partikular na panahon lang daw sa preperensya ng mga botante ang mga resulta ng survey at wala na raw itong iba pang bigat.
“That being said, surveys are nothing but snapshots of voters’ preferences during specific timeframes,” pagtatapos niya.
Samantala, agad na pinasalamatan ni Pangilinan si Lacson at sumasang-ayon daw siyang isang “snapshot” lang ang survey results at maaari umano itong magbago sa isang iglap.
“Thank you for your kind words Sen. Ping. Yes a snapshot indeed and in an electoral landscape wherein digital technology makes it possible for content online to be viewed by tens of millions overnight, then it is quite possible that millions of votes can either be gained or lost,” tugon ni Pangilinan.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin, no. 1 bet ng Pinoy bilang senador sa 2028—Pulse Asia survey
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bong Go, Sen. Robin Padilla nangunguna sa VP preference survey—Pulse Asia