July 26, 2026

Home BALITA National

‘Malayo pa 2028. Walang bibitiw!’ Sen. Kiko, inalala pagkaligwak sa 2025 senatorial survey

‘Malayo pa 2028. Walang bibitiw!’ Sen. Kiko, inalala pagkaligwak sa 2025 senatorial survey
Photo courtesy: Senate of the Philippines

Binalikan ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang mababang rating na nakuha niya sa Senate election survey na inilabas ng Pulse Asia Research, Inc., noong Abril 2025, matapos maglabas ng panibagong survey result para sa halalan 2028. 

Matatandaang nanguna si Sen. Robin Padilla sa inilabas na resulta ng survey ng Pulse Asia noong Hulyo 22, 2026, batay sa isinagawa nilang survey fieldwork mula noong Hunyo 28 hanggang Hulyo 3, 6, 2026. 

Samantala, pumang-anim naman si Pangilinan, na may 4% rating, para sa puwesto ng Pangalawang Pangulo na nais iboto ng publiko. 

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin, no. 1 bet ng Pinoy bilang senador sa 2028—Pulse Asia survey

Sa pahayag ni Pangilinan sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Hulyo 25, pinunto niya nasabing lumabas na resulta ng survey. 

National

Sen. Ping 'happy' sa big win nina Sen. Kiko, Sen. Bam noong 2025 elections!

Pagbabalik-tanaw ni Pangilinan sa survey result ng Pulse Asia noong Abril 20 hanggang Abril 24, 2025, idiniin niyang ranking 16-18 pa siya noon sa senatorial seat at kulang pa raw ng 4% para makasama sa top 12. 

“Ika nga, anybody’s [ballgame] at tight fight ang 12 to 18,” pagsisimula niya. 

Ani Pangilinan, mahalagang hindi siya bumitaw at mano-mano pang nakipagbakbakan hanggang sa dulo bago mangyari ang eleksyon noong 2025. 

“Ang resulta? Nag number 2 si Bam at nag number 5 naman tayo. Habang nag number 1 naman ang Akbayan Partylist ni Risa  at nanalo rin si Leila sa ML Partylist,” aniya. 

Dagdag pa niya, “Tandaan. Hindi tayo pinabayaan ng taumbayan at tiwala ako na hindi tayo pababayaan ng taumbayan.” 

Pagpapatuloy ni Pangilinan, magtiwala raw na kikilos ang taumbayan para maging posible ang mga imposible dahil malayo-layo pa ang 2028. 

“Sa Awa ng Dios, kapag taumbayan na ang kumikilos at tumataya ang imposible nagiging posible. Magtiwala,” ‘ika niya. 

“Malayo pa ang 2028. Walang bibitiw,” pagtatapos pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bong Go, Sen. Robin Padilla nangunguna sa VP preference survey—Pulse Asia