Hindi pa rin nakatikim ng panalo ang Terrafirma matapos dispatsahin ng Rain or Shine (ROS), 106-94, sa 2022-2023 PBA Commissioner's Cup sa Araneta Coliseum nitong Linggo.

Iginiya ni Gian Mamuyac ang Elasto Painters matapos kumamada ng 17 puntos sa second half, bukod pa ang limang rebounds, dalawang assists at dalawang tres, upang makuha ang panalo, 2-1, sa kartada.

Hindi naman nagpatumpik-tumpik ang import ng ROS na si Steve Taylor, Jr. dahil sa kanyang 20 puntos, 24 rebounds, tatlong assists, tatlong steals at dalawang blocks.

Tig-12 naman ang naging produksyon ng kanilang kakamping sina Beau Belga at Andrei Caracut.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Magpapahinga muna ng isang linggo ang Elasto Painters bago kalabanin ang San Miguel sa Oktubre 9.

Kumana naman ng 20 puntos ang import ng Terrafirma na si Lester Prosper, dagdag pa ang 16 rebounds.

Nahirapan si Prosper sa kanyang perimeter offense dahil pito lang ang naipasok nito sa 27 na pagtatangka.

Lumagpak sa 0-3 ang kartada ng Dyip na tatangkaing manalo laban sa Meralco sa Biyernes, Oktubre 7.