Matapos manatili sa bansa sa loob ng 24 oras, lumabas na rin ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong Luis nitong Huwebes.
Sa abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), lumakas pa muna ang bagyo bago tuluyang lisanin ang Pilipinas dakong 9:00 ng umaga.
"Further intensification is likely while moving over the sea east of Ryukyu Islands, with Luis reaching typhoon category within 24 hours," ayon sa pahayag ng PAGASA.
Sa pagtaya ng PAGASA, kikilos ang bagyo patungong hilaga hilagang kanluran hanggang Biyernes, Setyembre 30, bago ang bahagyang paglihis nito.
Paglilinaw ng ahensya, hindi na makaaapekto sa bansa ang bagyo.
Huling namataan ang bagyo 1,130 kilometro silangan hilagang silangan ng northern Luzon.
Taglay pa ng bagyo ang hanging 100 kilometer per hour (kph) malapit sa gitna at bugso nito na 125 kph.
Kumikilos pa rin ito pa-hilaga sa bilis na 20 kph, ayon sa PAGASA.
Ito na ang ika-12 na bagyo ngayong 2022 kasunod ng Super Typhoon Karding na nagdulot ng matinding pinsala sa Central Luzon at iba pang bahagi ng bansa, kamakailan.