Matapos ang walong taong pamamalagi sa ABS-CBN, tila kumpirmado na ang kauna-unahang paglabas ni dating “It’s Showtime” online host at “Hashtag” member Nikko Natividad sa isang programa sa GMA Network.

Sa isang Facebook post ng fan page na “Kapuso Forever” noong Lunes, inispluk nito ang umano’y dagdag na karakter sa patok na comedy series na “Happy Together” tuwing Linggo.

Dagdag nito, kumpirmado na umanong mapapanuod sa darating na Linggo, Setyembre 11 sina Kapuso actress Valeen Montenegro at bagong Kapusong si Nikko.

Ang “Happy Togther” ay pinagbibidahan ng mga dating Kapamilya stars na sina John Lloyd Cruz, Miles Ocampo, Jason Gainza, Eric Nicolas, Janus Prado bukod sa iba pa.

Tsika at Intriga

Doc Willie Ong, napatawad na ba mga bagets na nam-bash sa kaniya noon?

Tampok rin sa serye sina Carmi Martin, Ashley Rivera at maraming iba pa.

Bagaman wala pang opisyal na anunsyo ang GMA Network, tila kinumpirma ni Valeen ang impormasyon matapos niyang i-share ito sa kaniyang verified Facebook account.

Ilang Hashtag members na rin ang nauna nang lumipat sa Kapuso Network na ngayo’y nasa pangangalaga ng Sparkle, ang artist center ng GMA.

Kabilang sa mga nauna nang nag-ober da bakod mula Kapamilya Network sina Jon Lucas, Luke Conde at Vito.

Si Nikko ay nakilala matapos itanghal na “Gandang Lalaki” noong 2014 sa It’s Showtime.

Sa pag-uulat, wala pang reaksyon ang aktor ukol sa impormasyon.