Tumaas umano ng 15% ang mga kaso ng leptospirosis sa bansa ngayong taon.

Batay sa National Leptospirosis Data na inilabas ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, lumilitaw na mula Enero 1 hanggang noong Agosto 20, 2022, nakapagtala na sila ng 1,467 leptospirosis cases sa bansa.

Mas mataas anila ito ng 15% kumpara sa 1,278 kaso lamang na naitala sa kahalintulad na petsa noong nakaraang taon.

“There were 1,467 leptospirosis cases reported from January 1 to August 20, 2022. Cumulatively, cases this year is 15% higher compared to the reported cases during the same period in 2021 (1,278),” ulat ng DOH.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Ayon sa DOH, karamihan sa mga kaso ng leptospirosis ay naitala sa National Capital Region (NCR) na nasa 279 kaso o 19% at Regions II at VI na kapwa nakapagtala ng tig-174 o 12%.

Nabatid na mula Hulyo 24 lamang hanggang Agosto 20, 2022, nasa 106 kaso ng sakit ang naitala.

Sa nasabing panahon, pinakamarami umanong naitalang kaso sa NCR na nasa 36 (34%); Region II na nasa 12 (11%) at Region XI na nasa 10 (9%).

Samantala, ang Regions V, VII, VIII, at XI ay umabot na sa alert at epidemic threshold sa loob ng nakalipas na apat na morbidity weeks o mula Hulyo 24 hanggang Agosto 20, 2022.

Nilinaw naman ng DOH na wala silang naitatalang clustering ng mga kaso ng leptospirosis sa buong bansa.

Ayon sa DOH, nakapagtala rin sila ng 205 pasyente na namatay dahil sa sakit sa buong bansa o may Case Fatality Rate (CFR) na 14.0%.

Nabatid na noong Enero, nasa 14 katao ang naitalang namatay dahil sa leptospirosis; 11 noong Pebrero; 23 noong Marso; 32 noong Abril; tig-29 noong Mayo at Hunyo; 53 noong Hulyo at 14 noong Agosto.