Nasa 3,889,160 na ang tinamaan ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa matapos maitala ang 2,812 na bagong nahawaan ng sakit nitong Sabado.
Sa kabila nito, sinabi ng Department of Health (DOH) na bahagyang bumaba ang aktibong kaso ng sakit na nasa 23,571 nitong Setyembre 3 kumpara sa 23,703 nitong Biyernes, Setyembre 2.
Umabot naman sa 61,962 ang namatay habang nasa 3,803,627 na ang nakarekober sa sakit mula noong 2020.
Sa nakaraang dalawang linggo, limang rehiyon pa rin ang nakapagtala ng mataas na kaso ng hawaan kung saan kabilang sa mga ito ang National Capital Region, Calabarzon, Central Luzon, Western Visayas at Davao Region.
Panawagan muli ng DOH, pairalin pa rin ang safety at health protocols upang hindi na lumaganap pa ng sakit.