Hinikayat ng Department of Education (DepEd) nitong Huwebes ang mga estudyanteng naging biktima umano ng sexual harassment sa Bacoor, Cavite na lumutang at maghain ng reklamo laban sa kanilang mga guro.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DepEd Spokesperson Michael Poa na sa ngayon ay iniimbestigahan na ng Schools Division Office (SDO) sa Bacoor ang pitong guro mula sa Bacoor National High School kasunod ng viral social media post hinggil sa umano’y sexual harassment na ginagawa ng mga ito sa mga estudyante.

Gayunman, ang nagiging problema aniya ay maraming biktima ang natatakot lumutang at hindi naghahain ng reklamo sa mga guro.

“Although nagtutuloy 'yung imbestigasyon natin, ang problema is walang masyadong complainants na nagfa-file ng kanilang affidavits,” ani Poa.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

“Sana tulungan niyo rin kaming hikayatin 'yung alleged victims na lumabas at mag-file ng kanilang affidavits para mapalakas lalo 'yong kaso,” apela pa niya.

Aniya, inaasahan nilang magsusumite ang SDO ng Bacoor City ng kanilang fact-finding report sa regional office sa Calabarzon sa Biyernes.

Mula dito aniya ay tutukuyin nila kung ano ang susunod na hakbang sa administrative proceedings laban sa mga guro.

Sakali aniyang mapatunayang guilty ang mga ito, ang mga naturang guro ay maaaring ma-dismiss sa serbisyo.