Unti-unting bumabagal ang hawaan ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa bansa, ayon saOCTA Research Group nitong Linggo.
Sa datos na ibinahagi ni OCTA Fellow Dr. Guido David sa kanyang Twitter account, bumaba pa sa 0.91 na lamang ang reproduction number ng Covid-19 sa bansa noong Agosto 24, mula sa 0.96 noong Agosto 17.
Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring ihawa ng sakit ng isang pasyente at kung mas mababa ito sa isa ay indikasyon ng pagbagal na hawaan ng virus.
Aniya, ang bilang ngayon ng mga bagong kaso ng sakit sa bansa ay bumaba pa sa 2,959 na lamang, o less than 3,000 kada araw, hanggang noong Agosto 27, 2022.
Ito aniya ay pagbaba ng 15% mula sa average na 3,487 noong nakaraang linggo.
"The 7-day average was at its highest of 4,071 two weeks ago," ani David.
Bumaba rin naman ang positivity rate sa bansa ng mula 16.2% ay naging 14.3% na lamang noong Agosto 26.