Nangako si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo nitong Linggo na magiging mas maayos na ang gagawin nilang pamamahagi ng educational assistance sa mga mahihirap na mga estudyante sa bansa sa mga darating na Sabado.

Ayon kay Sec. Tulfo, nag-usap na sila ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos upang sa mga lungsod at mga bayan na lamang isagawa ang payout.

Aniya, ayaw na nilang maulit ang nangyaring kaguluhan sa distribusyon ng ayuda nitong Sabado.

“Ayaw na po natin na maulit yung nangyari noong Sabado na nagkagulo at maraming hindi nabigyan ng ayuda dahil dumagsa ang tao na galing sa iba’t-ibang lugar,” aniya pa.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nabatid na noong Sabado, nasa 48,000 estudyante ang nabigyan ng ayuda noong Sabado na umabot sa halagang P141 milyon.

Inaasahan namang bukas, Lunes, ay lalagdaan ng dalawang kalihim ang isang Memorandum of Agreement (MOA) para ibaba na sa LGU ang payout ng educational assistance.

Sa naturang kasunduan, ang mga social worker ng DSWD ang mag-iinterbyu sa kliyente habang ang LGU ang magbibigay ng puwesto kung saan isasagawa ang payout, gayundin ng mga karagdagang tauhan tulad ng mga cashier, pulis, at mga traffic enforcer at mga tanod.

Ang DSWD worker din ang magtatakda kung magkano ang ibibigay na ayuda sa bawat estudyante.

Muling humihingi ng paumanhin si Sec. Tulfo sa aberya at nangakong itatama agad ang pagkakamali.