Muling nagbabala ang BangkoSentral ngPilipinas(BSP) laban sa ‘smishing’ na isang uri ng phishing scam.
Sa nasabing modus, nagpapadala ang scammers ng text messages na may layuning linlangin ang biktima para i-click ang kaduda-dudang links.
Sa oras na pindutin ang link ay awtomatikong magda-download ang malwares o kaya ay mapupunta ito sa websites na kumokolekta ng impormasyon na maaaring gamitin para sa panloloko.
Upang maiwasan ito, inabisuhan ng BSP ang publiko na maingat sa pagbasa ng mga mensahe; huwag i-click ang links kahit na ito pa ay tila galing sa mga bangko, e-money issuers, o kilalang kumpanya at brands; at protektahan ang personal na impormasyon.
Nilinaw ng BSP na ang mga lehitimong financial institution ay hindi magtatanong ng personal details at account credentials, katulad ng username, password, at one-time pin (OTP) mula sa customers sa pamamagitan ng text messages o links sa websites.
Pinayuhan din ng BSP ang mga nakaranas ng tangkang smishing na iulat agad ito sa kanilang mga bangko o e-money providers.