Nakumpiska ng pamunuan ng Eastern Police District (EPD) ang may 120 iba’t ibang uri ng loose firearms sa ikinasa nilang Oplan “Kontra Boga” na ang layunin ay maiwasang magamit ang mga naturang hindi rehistradong baril sa mga ilegal na aktibidad at mga krimen.
Ang mga nakumpiskang loose firearms ay iprinisinta sa media ng EPD nitong Huwebes, sa pangunguna ni EPD Director PBGEN Orlando Yebra Jr..
Ayon kay Yebra, ang mga naturang armas ay nakumpiska sa mga operasyon ng pinagsamang puwersa ng kapulisan ng EPD, sa loob ng mahigit isang taon o mula Enero 2021 hanggang sa kasalukuyan.
Nabatid na ang mga nakumpiskang iba't ibang klase at kalibre ng baril ay mula sa magkakaibang police operation, sa apat na syudad na nasasakupan ng EPD, gaya nang checkpoint operation, anti-drug operation, search warrant at maagap na pagresponde at pag-aksyon sa sumbong ng mga residente.
Ani Yebra, ang Pasig City Police Station ay nakapagtala ng 72 kumpiskadong mga baril habang ang Mandaluyong CPS naman ay may naitalang 18piraso ng mga baril.
Samantala, ang Marikina CPS ay may 22 naitalang baril na nakuha mula sa mga naarestong suspek at ang San Juan CPS naman ay nakakumpiska ng may walong piraso ng baril.
Matatandaang alinsunod sa direktiba ni PNP OIC, PLTGEN Vicente Danao Jr., sa lahat ng yunit ng PNP sa buong bansa, dapat na iprisinta sa publiko ang imbentaryo ng mga nakumpiskang baril bilang mga ebidensya sa pamamagitan ng Forensic Unit na siyang opisyal na nag-iimbentaryo at nagbibigay kustodiya sa mga nakumpiskang mga baril upang mapangalagaan at magamit bilang ebidensya.
Sinabi naman ng EPD na maliban sa pinaigting na Oplan "Kontra Boga" ay kasabay na pinalalakas ang implementasyon ng Oplan "Katok" ng PNP, na kung saan ang EPD ay mayroong suma-total na 1,044 short at long firearms ang boluntaryong naisurender mula sa may-ari nito na hindi pa naiparehistrong mga baril mula Enero 2022 hanggang sa kasalukuyan.
Ang Pasig CPS ay nakapagtala ng ng 166 na naisurender sa kanilang tanggapan habang ang Mandaluyong CPS naman ay may 288 na naitala. Ang Marikina CPS ay may naitalang 298 at ang San Juan CPS ay may 292 firearms ang naisurender sa kanilang tanggapan.Tiniyak rin ng EPD na ang mga operasyon nila laban sa loose firearms ay mas lalo pang paiigtingin upang mapigilan ang pag-abuso dito at hindi na humantong na magamit ang mga ito sa iba't ibang krimen sa Metro-East at iba pang karatig na siyudad.
Siniguro rin ng EPD na ang pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan ay ang pangunahing layunin at prayoridad ng EPD.