Tuluyan nang lumabas ng Philippine area of responsibility (PAR) ang bagyong 'Domeng,' ayon sa pahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Binigyan na lamang ng international name na "Aere" ang nasabing bagyong 'Domeng' na nasa labas na ng bansa nitong Sabado ng umaga.
Kumikilos ang naturang sama ng panahon pa-hilaga hilagang kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.
Inaasahang dadaan ito sa Ryukyu Islands sa Japan ngayong Sabado ng gabi at sa pagtaya ng PAGASA, tatahak ito pa-hilaga hilagang kanluran ng East China Sea sa Linggo.
Huling namataan ang sama ng panahon sa layong 990 kilometro silangan hilagang silangan ng dulong northern Luzon na nasa labas na ng PAR.
Sinabi ng PAGASA, taglay pa rin ng bagyo ang lakas ng hanging 85 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugsong 105 kilometro bawat oras.
Kaugnay nito, binalaan pa rin ng PAGASA ang publiko na huwag munang lumayag sa karagatan ng northern Luzon at western seaboard ng Southern Luzon dahil sa inaasahang malalaking alon.