LA TRINIDAD, Benguet – Nadakip na ng pulisya ang isang magsasaka na responsable sa pagtatanim ng marijuana sa kabundukan ng Kibungan, Benguet, na tinaguriang Regional Top Ten Illegal Drug Personality at No. 5 Top Most Wanted Person Municipal Level sa lalawigan ng Benguet.

Magkakasanib na operatiba ng Benguet Provincial Police Office at Regional Intelligence Division ng Police Regional Office-Cordillera ang dumakip sa suspek na si Jun Dadwes Galate, 48, residente ng Sitio Mocgao, Barangay Badeo, Kibungan, Benguet, dakong alas 9:20 ng umaga ng Hunyo 20 sa Barangay Madaymen, Kibungan, Benguet.

Ang pag-aresto ay ginawa sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Edgardo Diaz De Rivera Jr., Presiding Judge ng Branch 10, Regional Trial Court, First Judicial Region, La Trinidad, Benguet sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165), na walang inirekomendang piyansa .

Sinabi ni Capt.Marnie Abellanida, regional information officer, noong taong 2010, ang suspek ay kinilala ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera na isa sa mga cultivator ng marijuana sa Sitio Mocgao, Barangay Badeo, Kibungan, Benguet.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Sinampahan ng kaso ang suspek ng paglabag sa of R.A. 9165 at inisyuhan ito ng warrant of arrest noong Abril 13, 2011.

Ayon kay Abellanida, mula noon ay isinagawa ng mga operatiba ang paghahanap sa suspek para sa ikakadakip nito, subalit hindi ito makita.

“Katunayan isang negosasyon ang isasagawa sa boluntaryong pagsuko nito, subalit hindi rin natupad. Ang patuloy na pagdami ng marijuana plants sa lugar ay pinaniniwalaang kagagawan nito,kaya patuloy din ang pulisya para sugpuin ito,” pahayag ni Abellanida.

Aniya, target ngayon ng pulisya na mauli ang mga cultivator ng marijuana, para madakip, masampahan ng kaso at makulong, upang hindi na pamarisan ng iba.