Pinuga sa publiko ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na nakatakda raw silang maghain ng kaso laban sa isang “malaking isda” mula sa Bulacan sa darating na Huwebes, Hunyo 4, 2026.
Ayon sa naging pahayag ni Dizon sa panayam sa kaniya ng media nitong Miyerkules, Hunyo 3, sinabi niyang tiyak daw na may parating pang mga kasong kaugnay sa maanomalyang flood control projects ng DPWH.
“Meron pang mga padating na kaso,” pagsisimula niya.
Ani Dizon, nakatakda nang magsampa ng kaso ang Office of the Ombudsman sa Regional Trial Court (RTC) ng Malolos, Bulacan kaya raw hintayin na lang ng publiko kung sino ang naturang malaking isda.
“In fact, tomorrow, meron ulit ifa-file sa Bulacan naman. Hintayin n’yo na lang kung sino kasi malaking isda rin ‘yan,” aniya.
“Hintayin n’yo na lang bukas,”pahabol pa niya.
Pagpapatuloy ni Dizon, dapat daw na matuto na ang mga natiklong dahil sa maanomalyang flood control projects dahil hindi raw titigil si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., hanggang hindi pa raw nakukulong ang mga dapat ipakulong.
“Sana matuto na sila at matakot na sila kasi talagang hindi titigil sa PBBM na ipakulong ‘yong mga dapat ipakulong,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang kusang sumuko ni Sen. Jinggoy Estrada sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) matapos ang kaniyang naging press conference sa Senado noon ding Lunes, Hunyo 1, nang muling maglabas ang Sandiganbayan ng ikalawang warrant of arrest laban kay Estrada kaugnay sa non-bailable case niya sa kinakasangkutan niyang maanomalyang flood control projects.
Noong Biyernes, Mayo 29, naghain ng ₱90,000 piyansa si Estrada para sa graft na isinampa rin sa kaniya ng Ombudsman. Kasunod nito, muli siyang naglabas ng pahayag at nanindigang walang mga tayan ang lahat ng inaakusa laban sa kaniya.
KAUGNAY NA BALITA: ‘I stand my ground!’ Sen. Jinggoy, niligawan daw ng minority bloc kapalit ng pag-abswelto sa kaso