Umapela si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa mga senador na pumasok at dumalo sa kanilang sesyon sa Senado upang gampanan ang kanilang trabaho.
Matatandaang dalawang araw noong Lunes, Hunyo 1, at Martes, Hunyo 2, 2026, na hindi dumalo ang mga miyembro ng majority bloc sa sesyon ng Senado matapos arestuhin ng mga awtoridad si Sen. Jinggoy Estrada.
Nahaharap si Estrada sa non-bailable case na kinakasangkutan niya kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
KAUGNAY NA BALITA: Sigaw ng Solid Bloc 11: 'Alan Peter Cayetano resign!'
Sa naging pahayag naman ng Pangulo nitong Miyerkules, Hunyo 3, inatasan niya ang mga senador na magbalik sa kanilang trabaho dahil marami raw silang kailangang gawin.
“Get back to work! Get back to work because ang dami nating kailangang gawin,” pagsisimula niya.
Ani PBBM, baka raw kasi bigla silang magka-supplemental budget at mag-amyenda sa batas dahil sa krisis sa langis na kasalukuyang kinakaharap ng bansa.
“We had a meeting sa UPLIFT Committee and maraming tayong kailangang ipagawa na mga batas. Baka magka-supplemental budget, baka ma-amyendahan namin ang ibang mga batas. Ito ay kailangan para makapagbigay tayo ng tulong sa taumbayan dahil nga sa oil crisis,” diin niya.
Diin niya, alam daw niyang mga ruling at dapat may mahalagang rason para ikansela ang isang sesyon sa Senado dahil naging mambabatas din naman daw siya bago maging Pangulo, ngunit hindi raw niya nakikitang makabuluhang rason na maunsiyami ang trabaho ng mga senador dahil lang sa paghahati kay Estrada sa kustodiya ng mga awtoridad.
“Nag-congressman, nag-senator din ako. Ang rules diyan, bago ka mag-cancel ng session, you have to inform the other House three days before you cancel a session. And there has to be a very good reason for canceling a session,” aniya.
Dagdag pa niya, “I don’t think na ihahatid mo ang senador para pumunta kung saan siya pupunta. Hindi yata sapat na dahilan ‘yan para i-cancel ang isang session.”
Pagpapatuloy ng Pangulo, hindi raw niya maisip kung papaano makakapagtrabaho ang mga senador sa kasalukuyang sitwasyon ng Senado.
“Isang session lang ‘yan, ngayon, kanselado na naman ang isang session. Hindi ko nga maintindihan kung papaano sila magtatrabaho kung ganito,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: SP Alan, maling-mali sa 'let the Senate go quiet'—Sen. Risa