Patay ang isang estudyante matapos umanong saksakin ang sarili nang mapagalitan ng nakatatandang kapatid habang sila ay nag-iinuman sa kanilang tahanan sa Tondo, Manila nitong Linggo ng gabi.

Dead on arrival sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si Jaymark Benedicto, 20, ng 440 Gate 20, Area H, Brgy. 20, Parola, Tondo, Manila dahil sa dalawang tama ng saksak sa dibdib, na tumagos sa kanyang puso.

Batay sa ulat ng Delpan Police Station 12 ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong alas-10:55 ng gabi nang maganap ang insidente sa tahanan mismo ng biktima.

Nauna rito, masaya umanong nag-iinuman ang magkakapatid na Benedicto, at ilang kaanak, nang umano’y mapagsabihan ang biktima ng kanyang kuya hinggil sa isyu ng pagkamatay ng isa pa nilang kapatid na lalaki noong nakaraang taon dahil sa problemang pangkalusugan.

'Mauubos lang ang oras ko:' Leila De Lima, iisnabin na lang mga basher

Maya-maya ay nagulat na lamang umano ang lahat ng bigla na lang damputin ng biktima ang isang kutsilyo at sinabing “akala nyo nagbibiro ako,” saka ito itinarak sa kanyang dibdib ng dalawang ulit.

Ang biktima ay kaagad na isinugod ng kanyang tatay at kapatid sa pagamutan ngunit patay na ito.

Lumitaw naman sa imbestigasyon ng MPD-Homicide Section, na dati na ring nagtangkang magpakamatay ang biktima dahil sa dinaranas na stress bunsod nang pagkamatay ng kanilang kapatid noong nakaraang taon, ngunit naagapan lamang.