Inamin ng dating child actor na si Bugoy Cariño na napag-usapan nila ng kasintahang si volleyball player EJ Laure na ipalaglag na lamang nito ang anak nila noon.

Para sa pagdiriwang ng Father's Day ay kinapanayam at itinampok ni ABS-CBN news anchor Karen Davila si Bugoy, at dito nga naganap ang rebelasyon ng aktor. Aniya, nasa 16 anyos pa lamang siya noon at si Laure naman ay 21 at manlalaro pa ng koponan ng University of Santo Tomas na UST Tigresses.

Ang pagpapalaglag daw ang naisip nilang paraan upang maisalba at maprotektahan ang kani-kanilang mga career.

“Sabi ko sarili ko, oh sige para lang mabalik 'yong career ko. Alang-alang sa family ko, para makatulong ako talaga nang sobra at para mabalik 'yong shows na ibinigay sa akin. Iyong tiwala sa'kin ng ABS. Sige, ipalaglag na lang," aniya.

Tsika at Intriga

Jude Bacalso, nanindigang valid complaint pagtawag ng 'Sir' sa kaniya ng waiter

Makalipas daw ang isang linggo, napag-isip-isip umano nilang hindi nila kayang pumatay ng tao, lalo na at dugo at laman nila ito. Kinausap nila ang mga magulang nila sa kabila ng galit ng mga ito sa mga nangyari. Tila raw nasampal sa katotohanan si Bugoy nang makausap ang ama na nasa Saudi Arabia.

Kapag raw itinuloy niya ang pagpapalaglag sa anak, huwag na raw niyang tatawaging tatay ito. Kaya naman, malaki ang pasasalamat ni Bugoy sa ama dahil ito ang gumising sa kaniya mula sa bangungot. Kinausap niya si EJ at sumang-ayon naman itong ipagpatuloy na lamang ang pagbubuntis.

Ipinagtanggol din ni Bugoy ang kaniyang kasintahan sa bashers dahil kung tutuusin daw, mas may edad ito kaysa sa kaniya. Bakit daw ito pumatol sa menor de edad na gaya niya at bakit nito hinayaang mangyari ang mga nangyari.

"Hindi ako masisisi ng tao. Hindi masisisi si EJ ng mga tao kung bakit di pigilan ang sarili. Ako po talaga ang may gusto kay EJ. So, sabi ko sa kaniya, 'Wag mo na pansinin. Pagdating naman ng panahon wala na 'yan eh. Magbabago din isip nila,” aniya.

Upang maitaguyod ang pamilya, nagnegosyo ng mineral water station si Bugoy mula sa mga kinita at ipon niya sa showbiz. Pinasok na rin niya ang online selling kahit noong una raw ay nahihiya siya.