Inaresto ng mga awtoridad ang isang pulis matapos umanong ipakita ang maselang bahagi ng kanyang katawan sa isang menor de edad na estudyante sa isang restaurant sa Maynila kamakailan.

Nakapiit na ngayon sa Manila Police Station 6 ang suspek na si Staff Sergeant Danilo Soriaga, taga-San Andres Bukid, Maynila at nakatalaga sa Philippine National Police (PNP)-Region 2.

Sa imbestigasyon ng pulisya, kumakain ang biktimang si Joy (hindi tunay na pangalan) sa isang restaurant sa San Andres Bukid nang tabihan ng suspek nitong Miyerkules ng gabi.

Bigla na lamang umanong inilabas ni Soriaga ang maselang bahagi ng katawan at ipinakita sa biktima na natakot at tumakbo papalabas sa lugar.

Metro

Mayor Lacuna: Payout sa 203K seniors, malapit nang matapos

Gayunman, hinabol pa rin umano ito ng suspek hanggang sa mapansin ng mga nagrorondang barangay tanod na nagpasaklolo sa mga pulis na kaagad namang umaresto kay Soriaga.

Nahaharap na sa kasong unjust vexation si Soriaga at posible ring kasuhan ng administratibo, ayon pa sa pulisya.

Matatandaang isa ring pulis ang inaresto nang ipakita sa isang saleslady ang maselang parte ng katawan nito sa isang shopping mall sa Legazpi City, Albay noong Setyembre 15, 2021.

Hindi na isinapubliko ang pagkakakilanlan ng nabanggit na pulis na may ranggong "major" matapos makipag-ayos sa biktima.