Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Sabado na isang Pinoy na nanggaling sa Middle East nitong unang bahagi ng buwan, ang natukoy na nahawaan ng Omicron sub-variant BA.4, na itinuturing na variant of concern (VOC) ng European Centre for Disease Prevention and Control (ECDC).
Sinabi ng DOH na ang lalaki ay dumating sa bansa noong Mayo 4 at noong Mayo 8 ay natuklasang positibo ito sa naturang sub-variant.
Nilinaw ng ahensya, asymptomatic naman umano ang pasyente.
“The Department of Health (DOH) has detected Omicron-BA.4 from a Filipino citizen who flew in from the Middle East last May 4, 2022. His positive test result for the subvariant was from a specimen collected on May 8. He was asymptomatic.[The] DOH has been coordinating with the concerned LGUs (local government units) since confirmation of the case to rapidly implement detection and isolation activities as part of the PDITR response,” ayon sa DOH.
Ipinaliwanag pa ng ahensya na nakikita ng ECDC ang BA.4 bilang ‘variant of concern’ dahil sa posibilidad na mas mabilis itong kumalat o kaya ay maaaring magdulot ng mas malalang karamdaman.
Babala pa ng DOH, dapat na maging maingat ang lahat dahil ang naturang sub-variant ay maaaring magresulta sa pagdaming muli ng mga kaso ng virus sa bansa.
“The European Centre for Disease Prevention and Control (ECDC) sees Omicron BA.4 as a variant of concern (VOC). Compared to a variant of interest (VOI), a VOC is seen to either spread faster or cause worse illness,” anang DOH.
Kaugnay nito, umaapela rin ang DOH sa publiko na magtungo na sa pinakamalapit na vaccination site at magpabakuna ng primary series at magpaturok ng booster shots sa lalong madaling panahon.
Mahigpit din ang paalala ng DOH sa mga mamamayan na patuloy na sundin ang minimum public health standards (MPHS) laban sa COVID-19, gaya nang pagsusuot ng face mask, madalas na paghuhugas ng kamay, at pag-obserba sa social distancing.
Nitong Martes, naiulat ng DOH na nakapagtala na sila ng local transmission ng Omicron sub-variant BA.2.12.1 sa bansa.