Tiniyak ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na higit pa nilang hinigpitan ang ipinaiiral na border control measures sa bansa, kasunod na rin ng banta ng monkeypox virus.

Ayon kay Duque, inatasan na nila ang Bureau of Quarantine (BOQ) na paigtingin ang kanilang surveillance sa mga dumarating na pasahero sa bansa, na mula sa mga lugar na may kumpirmadong kaso ng monkeypox.

Istrikto rin anila silang nagpapatupad ng symptoms screening para sa mga inbound passengers.

“We have instructed the BOQ to intensify its surveillance of passengers coming from countries with known cases of monkeypox -- mainly from central and west Africa,” ani Duque, sa isang panayam. “Also symptoms screening had been heightened for inbound passengers among other control measures.”

Pagdagsa ng mga pasahero sa PITX, inaasahang papalo ng 3 milyon ngayong holiday season!

Paglilinaw naman ni Duque, hindi pa kinaklasipika ng World Health Organization (WHO) ang monkeypox bilang banta sa public health sa ngayon.

“WHO has not classified monkeypox as a threat to public health as of now,” aniya. “We are guided by their latest advisory.”

Una nang inanunsyo ng DOH na wala pa silang natukoy na kaso ng monkeypox virus sa Pilipinas.

Kasunod na rin ito ng ilang kaso na na-detect sa mga European countries, Estados Unidos, Canada, at United Kingdom.

Sinabi ng DOH na base sa impormasyong mula sa WHO, ang monkeypox ay isang viral disease na mula sa mga hayop at karaniwang nagaganap sa tropical rainforest areas sa Central at West Africa.

Kabilang sa mga sintomas nito ay lagnat, rashes, at pamamaga ng lymph nodes na maaaring magresulta sa kumplikasyong medikal.

Naisasalin umano ang monkeypox sa pamamagitan ng close contact sa infected person o hayop, o di kaya ay sa kontaminadong gamit.

Kamukha umano ito ng smallpox, ngunit ito ay ‘less contagious’ at nagdudulot lamang ng ‘less severe illness.’