Ibinahagi ni Megastar Sharon Cuneta na manonood siya ng concert ng paborito niyang K-Pop artists upang maibsan kahit paano ang sunod-sunod na 'heartbreaks' na nangyari sa kaniya.
Una na rito ang pagkatalo sa halalan ng mister na si vice presidential candidate at Senador Kiko Pangilinan. Pangalawa naman ang pagpanaw ng kaniyang make-up artist, stylist at kaibigang si Fanny Serrano.
“I’ve been waiting for years. Just what I needed to ease the pain of a heartbreak,” caption ng Instagram post ni Shawie noong Mayo 18.
Aminado ang Megastar na isa siya sa mga Pilipinong hibang na hibang sa K-Pop.
Noong ikinakampanya niya ang mister noong Abril, nawindang si Sharon nang abutan siya ng tagahanga ng photocard ni Mark Lee ng NCT 127.
“This is…oh my God, it’s Mark Lee! Thank you so much!” bulalas ni Sharon. Kaagad naman niyang inawit ang 'Favorite' ng NCT 127 na ikinasiya naman ng mga nagsidalong Kakampinks.
Lalo pang natuwa si Sharon nang isa pang tagahanga ang nag-abot naman sa kaniya ng photocard ni Mina ng TWICE.