Pinalagan ni dating Hashtags member at Pinoy Big Brother housemate Zeus Collins ang muling pag-ungkat sa matagal nang kumakalat na isyu sa kanilang dalawa ni dating GirlTrends member at PBB celebrity housemate na si Chie Filomeno, hinggil sa 'parking lot'.
Usap-usapan sa social media ang umano'y eskandalosong leaked video kung saan naispatan umano sila sa isang parking lot noon, bagay na pinabulaanan naman ni Zeus sa kaniyang latest Instagram post nitong Mayo 13, 2022.
"FAKE NEWS!! Grabe tagal na nitong chismis na 'to, baka naman si Zeus Maryosep 'yang napanood n'yo. Ingat-ingat lang kayo baka mahack 'yang account n'yo dahil diyan, at RESPETO na lang nang konti, dami nadadamay. Masaya ako ngayon at 'wag n'yo nang guluhin pa," saad ni Zeus.
Flinex din niya ang nagpapasaya sa kaniya ngayon---ang jowang si Pauline Redondo.
Si Chie naman, tinalakan ang mga netizen na nagpapakalat nito sa kaniyang latest tweet nitong Mayo 13, 2022.
"Ano source mo? FB sure ball. Pag sure uy kung totoo mga pinagpopost n'yo sa FB, kung mag-uungkat kayo siguraduhin n'yo totoo, wag paulit-ulit at wag kayo mandamay ng ibang tao."
Sumagot din siya sa isang netizen na nagsabing "Idol kung wala naman talaga hindi muna kailangang pansinin."
"Ay teh walang ganun. 'Pag tahimik ibig sabihin totoo, tapos pag inaddress yung issue defensive agad? I won’t give them the power to do that me. Tao din ako ah."
Hiningi naman ng Balita Online ang panig ni Chie Filomeno kung ano ang masasabi niya tungkol sa isyu.
"Hahahaha ang tagal na ng issue na 'yan, mas umingay lang ngayon kasi mas kilala ako now," natatawa at cool lang na sey ni Chie.
Nagkasama sina Zeus at Chie sa noontime show na 'It's Showtime'.