Sumakabilang-buhay na ang batikang abogado at television host na si Atty. Jose “Papa Ping” Sison, na nakilala bilang host ng legal drama anthology ng ABS-CBN na “Ipaglaban Mo!”
Kinumpirma ng kaniyang anak at co-host na si Atty. Jopet Sison ang malungkot na balita sa isang social media post nitong Huwebes, Hulyo 23.
Ayon kay Jopet, mapayapang pumanaw ang kaniyang ama noong umaga ng Hulyo 23. Aniya, nagpapasalamat ang kanilang pamilya sa buhay na iniukol nito bilang isang abogado, mapagmahal na asawa ni Josie, ama ng anim na anak, at lolo ng 16 na apo.
Hiniling din niya sa publiko na ipagdasal ang kaniyang ama at alalahanin ito nang may pagmamahal at magagandang alaala.
"This morning, July 23, 2026, our Papa Ping peacefully joined our Creator. We are comforted that he lived a full life as a lawyer, a husband to Josie, a father to his six children, and a grandfather to his sixteen grandchildren. Please keep him in your prayers and remember him with love and fond memories," aniya.
Nakatakdang ganapin ang burol simula sa Biyernes ng hapon, Hulyo 24, sa Ascension Chapel ng The Immaculate Conception Cathedral of Cubao sa Quezon City.
Samantala, nakatakdang ihatid sa kaniyang huling hantungan si Atty. Sison sa Heaven’s Gate 1 Memorial Park sa Antipolo City sa Martes, Hulyo 28. Hindi pa inaanunsyo ng pamilya ang eksaktong oras ng libing.
Bukod sa kaniyang matagumpay na karera sa larangan ng batas, tumatak si Atty. Sison sa telebisyon bilang isa sa mga host ng “Ipaglaban Mo!”, kung saan ipinaliwanag niya ang mga legal na usapin sa likod ng mga kuwentong tampok sa programa.
Pinasikat nila ni Atty. Jopet ang linyahang "Kapag may katwiran, ipaglaban mo!" dahil sa nabanggit na drama anthology.
Ang kaniyang dedikasyon sa batas at sa pagbibigay ng legal na kaalaman sa publiko ang nag-iwan ng malaking ambag sa kaniyang propesyon at sa industriya ng telebisyon.