Posible umanong magkaroon ng ₱20 kada kilo ng bigas basta magpatupad ang gobyerno ng subsidiya, ayon sa pahayag ng isang agricultural group nitong Huwebes.
Paglilinaw ni Philippine Confederation of Grains Associations chairperson Joji Co, dapat ding kukunin ang bigas sa National Food Authority (NFA).
"'Yung₱20 pwede 'yan kung may subsidy ang government. Pero kung walang subsidy, parang mahirap 'yan kasi ang nangyayari ngayon diyan, kahit mag-import tayo sa Vietnam, Thailand, Cambodia, Myanmar," sabi ni Co sa panayam sa telebisyon.
Mas makabubuti rin aniya kung mamamahagi ang gobyerno ng food coupons sa mga nangangailangan talaga ng abot-kayang bigas.
"Pwede 'yan kung mag-import ang gobyerno, mas mura ang magiging cost, tapos subsidized. Pero 'pag subsidy, ang magiging suggestion ko diyan, bigyan ng food coupons 'yung karapat-dapat namang makatanggap. Kasi ang nangyari noong sinubsidize ng government 'yang NFA rice, any Tom, Dick and Harry, pwedeng bumili niyan eh," aniya.
"Ang purpose ng bigas na 'yan, para sa mahihirap. Ang nangyari kasi diyan, sa mura ng bigas na 'yan, lalo na ngayon, usung-uso 'yung mag-alaga ng mga aso, eh bibilhin ng mga tao sa₱20, tapos imbes na sa tao, ipapakain sa aso 'yan ng mga mayayaman," lahad nito.
Pagbibigay-diin din niya, kapag walang subsidiya ay imposibleng magkaroon ng₱20 per kilo ng bigas dahil magiging kawawa ang mga magsasaka.