Ipinagdiinan ni Wowowin host Willie Revillame na bagama't 'Mr. President' at ginawan pa nila ng composer at record producer na si Vehnee Saturno ng awitin si presidential candidate at dating senador Bongbong Marcos, Jr., wala pa rin siyang commitment dito.

Sa April 26 episode kasi ng kaniyang programa, ibinahagi ni Willie sa viewers ang video ng pag-uusap nila ni BBM ilang minuto bago nagsimula ang Wowowin. Kapansin-pansin na 'Mr. President' at 'mahal na Pangulo' na nga ang tawag niya rito, at Vice President naman si Davao City Mayor Sara Duterte.

Mukhang may pag-uusapan daw sina Willie, BBM, at Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis 'Chavit' Singson.

Iginiit din ni Willie na may ginawa silang kanta ni Vehnee Saturno na pinamagatang 'Puso Para sa Bayan' at kay Inday Sara naman ay 'Sara Ikaw Na Nga'.

Pagkatapos nito, sinabi ni Willie na "'Yan naman ho, eh, walang commitment pa… Wala naman pong commitment ‘yan. Gusto lang daw nila akong makausap at, yun nga, sabi ko, 'Sige ho. Mag-uusap ho kami. Hindi ko alam kung ano ang pag-uusapan namin. But anyway, ilang tulog na lang ho ito, eleksyon na."

Nilinaw din ni Willie na Mr. President at Vice President daw talaga ang tawag niya kina BBM-Sara. Nagbigay naman siya ng mensahe sa lahat ng mga botante.

"Pero malalaman pa naman ho natin ‘yan mismo sa May 9 kung sino talaga ang magiging presidente. Wala pa naman desisyon ang sambayanan. Sa lahat ng mga botante, sa lahat ng mga boboto, may karapatan ho tayong lahat at bawat Pilipino.

"So, ito na po ang pagkakataon kung gusto natin ng pagbabago. Kung gusto natin ng pagkakaisa. Gusto natin na maging maganda ang buhay ng bawat Pilipino."

Matatandaang nauna nang inendorso ni Willie si VP candidate at Davao City Mayor Sara Duterte.