Hayagan na ring nagpakita ng suporta ang action star na si Jay Manalo para sa kandidatura sa pagkapangulo ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.

Si Jay ang dagdag na showbiz personality na hayagang nagsapubliko ng suporta kay Isko, higit dalawang linggo bago ang botohan sa Mayo 9.

“Maka-Diyos, makatao. Binibigay niya po ang serbisyo niya. Pinakita niya sa buong Manila, kung paano siya tumulong—totoong-totoo. ‘Yan po si Isko,” pagpapakilala niya sa kanyang manok sa isang maikling Facebook video kamakailan.

Aniya, alam na ng maraming Pilipino kung bakit si Isko ang karapat-dapat na maupo sa Palasyo.

“Kaya kung ako ang tatanungin n’yo kung bakit si Isko? Kailangan pa bang sagutin ‘yan? Kayo na po, sambayanang Pilipino,” sabi ng aktor.

Sunod na nanawagan si Jay na lumipat sa kampo ni Isko. “Kaya ngayong darating na halalan, matik na ‘yan--switch to Isko, mahal niya kayo. Mahal niya kayo. Mahal niya ang sambayanang Pilipino,” giit niya.

“Mabuhay po kayong lahat. Ito po si Jay Manalo, God first. ‘Yan ang nais ko.”

Nauna nang binanggit ng showbiz columnist na si Cristy Fermin sa kanyang programa ang pagsama ng aktor sa ilang caravan ni Isko sa Metro Manila.

Sa pinakahuling Pulse Asia survey, nanatiling ikatlo sa mga preferred candidates ang alkalde.