Hindi na nakain ng isang lalaki ang binili niyang lugaw nang barilin siya sa ulo ng di kilalang salarin habang papasakay na ng kanyang motorsiklo sa Binangonan, Rizal nitong Martes ng madaling araw.

Patay na nang dumating sa Margarito Duavit Memorial Hospital ang biktimang nakilala lang na si Raymart Godoy habang nakatakas naman ang di kilalang salarin, lulan ng isang tricycle.

Batay sa ulat ng Binangonan Municipal Police Station, dakong alas-12:10 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa tapat ng isang lugawan sa Manila East Road, sa Brgy. Calumpang, sa Binangonan.

Sa imbestigasyon, lumilitaw na nagtungo sa naturang lugawan ang biktima at bumili ng lugaw.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Gayunman, habang pasakay na ito ng kanyang Rusi scooter motorcycle upang umuwi ay bigla na lang umano itong nilapitan ng suspek na armado ng revolver at sa di pa batid na kadahilanan ay kaagad na binaril sa ulo.

Nang matiyak na napuruhan ang biktima ay mabilis na sumakay ng isang tricycle ang suspek at tumakas patungo sa direksiyon ng Brgy. Batingan, bitbit ang baril na ginamit sa pamamaslang.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa krimen para sa agarang ikareresolba nito.