Tinatayang aabot sa humigit-kumulang ₱6.8 milyong halaga ng ilegal na droga ang narekober ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) sa isinagawa nitong joint interdiction operation kamakailan, katuwang ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Batay sa ulat ng BOC-NAIA, nasabat nila ang mga kontrabado na nakakubli sa ilang parcels na nanggaling mula sa mga bansang Thailand, United States, at Netherlands—na siyang ipadadala sana sa Luzon at Mindanao.
Nasamsam ng mga awtoridad sa operasyon ang halos 4,231 gramo ng hinihinalang marijuana kush, na may estimated standard value na ₱6,346,500; at pink-colored tablets na hinihinalang ecstasy, na tinatayang may halagang ₱487,500.
Base sa kumpirmasyon ng awtoridad, isinumite na ang mga nasabat na kontrabando sa PDEA Laboratory Service para sumailalim sa confirmatory examination at tamang disposisyon.
Inihahanda na rin ang mga kaso hinggil sa paglabag sa Seksyon 4, Artikulo II ng Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.