Wala pang utos na papalitan na sa puwesto si Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Dionardo Carlos.
Ito ang kinumpirma ni Carlos sa isang pulong balitaan at sinabing wala rin siyang alam sa kumakalat umano na text message na nagsasabing papalitan na siya ni PNP-Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia sa puwesto sa Abril 25.
“If there's an order I will follow. So ako naman, trabaho lang 'yung hinanap ko. If the task is done, then I will retire come May 8, that is according to the law, so I will follow,” anito.
Aabot na sa mandatory retirement si Carlos sa edad na 56 sa Mayo 8.
“Nandito pa ako kaya ibig sabihin, ‘Magtrabaho ka pa Caloy.' Ako trabaho lang ako. I make sure I work up to the last day. If the work is done and that sets everything,” sabi ng opisyal.
Umupo si Carlos sa puwesto noong Nobyembre 12.
Idinagdag pa ni Carlos, pagtutuunan pa rin ng pansin ng kanyang liderato ang maayos at mapayapang pagdaraos ng eleksyon sa Mayo 9 National elections.