Nagpakawala ng kaniyang hashtags sa social media ang anak ni presidential candidate at Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso na si Kapuso teen actor Joaquin Domagoso, matapos ang 'Unity' joint press conference ng mga presidential at vice presidential candidates ngayong Easter Sunday, Abril 17, 2022.

Ang mga hashtags na pinakawalan niya ay "WithdrawLeni" "#UniteforIsko" at "#SwitchToIsko." Kalakip nito ang litrato niya na nakatalikod, at mukhang nasa campaign sortie siya ng ama. Makikita sa likod ng jacket na kaniyang suot ang pangalan ng kaniyang ama, at ng running mate nitong si Doc Willie Ong.

Matatandaang ang naging paksa ng joint press conference ay ang paninindigan nilang hindi sila aatras sa laban, kahit na may kampo raw na nag-uudyok sa kanilang huwag nang ituloy ang bakbakan para sa nalalapit na halalan.

Ito ang unang beses na nag-post ang teen actor nang hayagang panawagang mag-withdraw na sa laban si Vice President Leni Robredo, ayon na rin sa pahayag ng kaniyang ama.

"Be a hero, withdraw Leni," saad nito.

Wala pang tugon o reaksyon si VP Leni tungkol dito.