Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) nitong Miyerkules ang mga kandidato para sa May 9 National and local elections na bawal ang pangangampanya sa Huwebes Santo, Abril 14, at Biyernes Santo, Abril 15.

Katwiran ni Comelec Commissioner George Garcia, dapat na hayaan ng mga kandidato ang mga botante na makapagnilay ng taimtim sa naturang religious holidays, kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.

Babala pa ni Garcia, ang sinumang mapapatunayang lalabag sa naturang panuntunan ay mahaharap sa election offense na maaaring magresulta sa kanilang diskwalipikasyon, parusang pagkabilanggo ng isa hanggang anim na buwan, at pagkawala ng karapatang makaboto.

“Sinasabi nga po eh, ‘Give unto Caesar what is for Caesar and to God what is for God,’ and ang ibig sabihin po natin dito, baka naman po pwede na pakiusap naman po — at ‘yan naman po ay isang patakaran na nasa ating mga umiiral na batas at resolusyon ng Commission on Elections — bukas po (Huwebes Santo) ay bawal mangampanya at sa Biyernes (Santo),” ani Garcia, sa panayam sa radyo.

National

Trust, approval rating ni PBBM, tumaas; bumaba naman kay VP Sara -- Tangere

“Dalawang araw na nga lang po ang sinabi eh, mangangampanya pa, di ba? Ibigay na natin sa pagninilay-nilay. This is our highest sense of religiosity. Ibigay na natin ang pagninilay nilay sa mga Pilipino. Baka pwedeng pahingahin naman natin,” aniya pa.

Una nang sinabi ng Comelec na ang Huwebes Santo at Biyernes Santo ay ikinukonsiderang ‘quiet period’ o tahimik na panahon at mahigpit na ipinagbabawal ang pangangampanya sa naturang mga araw.

“Ang importante, muli ay ma-realize natin na tayo ay isang Christian country and therefore may isang pinaniniwalaang Panginoong Diyos, and therefore ‘yung pangangampanya, tandaan niyo po, kaya namin kayong i-disqualify at kaya rin namin kayong file-an ng election offense,” aniya pa.